Ma'am WAG po!!
  Movie Review
 

MILA

Oras ng Pagpapalabas:

116 min.

Mga Tauhan:

Maricel Soriano, Piolo Pascual, Princess Punzalan, Caridad Sanchez, herry Pie Picache, Angelica Panganiban, Serena Dalrymple, Kaye Abad

Direktor:

Joel Lamangan

Producer:

Elma S. Medina

Screenwriter:

Ricardo Lee

Music:

Jessie Lasaten

Editor:

Tara Illenberger

Genre:

Drama

Cinematography:

Monino Duque

Distributor:

Star Cinema

Location:

Manila

 

Natatandaan mo pa ba kung sino ang nagturo sa iyo ng pundasyon ng karunungan – ang tatlong "R": reading, (w)riting, (a)rithmetic? Pinararangalan ng Star Cinema sa kanilang ika-8 anibersaryo ang kabayanihan ng mga guro sa pelikulang Mila. Matalino, mabait, masipag at pasensiyosang guro sa mababang paaralan si Mila Cabangon (Maricel Soriano). Nauunawaan niya ang mga batang tinuturuan niya at ipinapakita niya ang malasakit niya sa kanila. Ngunit bigo siya sa pag-ibig. Ipinamigay siya ng kanyang ina sa tiyuhin niya (Berting Labra). Ang mahal niyang asawa (Noni Buencamino) ay nambubugbog at sugarol kaya't hiniwalayan niya. Sumama siya kay Primo (Piolo Pascual), isang waiter na nang malao'y nalaman niyang isa palang drug addict. Sa kabila ng mga trahedyang ito, buong pusong naghandog ng panahon, talino at yaman si Mila sa mga tao sa paligid niya. Nang mag-alsa ang mga guro laban sa di-makatarungang palakad ng gobyerno, sumama si Mila sa strike. Tila walang kahihinatnan ang strike  kaya't napilitan siyang iwan ang kanyang mga kasamahan. Napadpad siya sa Ermita. Doon ay nakiisa siya sa buhay ng mga batang lansangan, mga palaboy, vendors at prostitutes. Naging bago niyang pamilya ang mga ito at ginawa niyang isang malaking silid-aralan ang lansangan para sa kanila.

Mahusay ang pagkaganap ni Maricel Soriano bilang guro at ni Piolo Pascual bilang isang drug addict. Kapani-paniwala rin ang pagganap ng iba pang artista, lalu na si Cherrie Pie Picache at Kaye Abad. Ipinakitang muli ni Joel Lamangan (Flor Contemplacion) ang husay niya sa paghawak ng kanyang mga artista at pagkontrol sa kamera. Makatotohanan ang pagpapakita ng makulay, magulo, masalimuot at mahirap na buhay ng mga kalapating mababa ang lipad at ng mga batang lansangan. Bagama't buhay ni Anita Pamintuan, isang gurong namatay habang ipinaglalaban sa isang hunger strike ang karapatan ng mga guro, ang nagbigay-inspirasyon kay Ricky Lee sa pagsulat ng Mila, likhang-isip lamang ang ibang mga pangyayari na kung minsan ay nag-iiwan ng tanong sa manonood. Masyadong masalita ang pelikula – naging mas makabagbag-damdamin sana ito kung nagbigay ng karampatang katahimikan sa ilang mga eksena.

Kapuri-puri ang pagbibigay-parangal ng Star Cinema sa mga guro sa pamamagitan ng pelikulang Mila. Makikita kay Mila ang kabayanihan ng libu-libong mga guro na humuhubog sa kaisipan at pagkatao ng mga kabataan. Sa pamamagitan ng salita, halimbawa, pagmamahal at pag-unawa ay binubuksan nila ang pintuan ng karunungan at buhay. Natutuhan ng mga kabataan ang kahalagahan ng pagtitiyaga, katapatan, katarungan, katatagan, kalinisan, pagbibigay, pagtitimpi, pagpapatawad, pagmamahal at buhay. Ngunit tulad din ni Mila, mayroon silang mga kahinaan. Kailangang maging maingat sa panonood ng pelikula dahil parang sinasang-ayunan ng bida ng pagsasama ng parehong kasarian (homosexuality), at normal lang na makisama siya sa ibang lalaki dahil hiniwalayan na niya ang kanyang asawa. Hindi ipinakita na kumalas siya kay Primo dahil alam niyang mali iyon kundi dahil ayaw nitong pumasok sa rehabilitation center para magbago. May mga mararahas na eksena at madalas na pagmumura na nagpapatotoo sa buhay sa Ermita.

 

(Date reviewed: June 29, 2001)

 

http://www.cbcpworld.com/cinema/archives/2001/html/mila.html


 
   
 
This website was created for free with Own-Free-Website.com. Would you also like to have your own website?
Sign up for free