|
Mga guro, mahalin natin
|
|
Manny Villar
|
Ang mga guro o titser na siguro ang pinakadakilang manggagawa ng ating lahi. Ang pagtuturo ay nangangailangan ng matinding debosyon at dedikasyon. Hindi lahat ng tao ay kaya o nanaising maging isang guro. Ito ay may kaakibat na sangkatutak na sakripisyo. Meron din naman itong kaakibat na mga pabuya na hindi mapapantayan ng pera.
Ang mga guro ang humuhubog ng kaisipan at iba pang aspeto ng pagkatao o personalidad ng bawat tao. Oo nga't malaki ang impluwensiya ng mga magulang at pamilya ngunit hindi maitatanggi na mas marami ang oras na ginugugol ng mga bata sa loob ng eskwelahan kasama sina Sir at Ma'am.
Gayunpaman, nakakalungkot isipin na dito sa ating bansa, ang mga guro ay hindi napagtutuunan ng karampatang atensyon ng gobyerno. Kakarampot pa rin ang kanilang sweldo hanggang ngayon. Ang benepisyo na natatanggap nila ay hindi rin sapat.
Ito ang nagtutulak sa maraming gurong Pilipino na mangibang bansa upang kumita ng mas malaki. Ang masaklap nito, marami sa kanila ay hindi naitutuloy ang kanilang pagtuturo. Marami sa kanila ay nagiging sales staff sa mga malls, service crew sa mga hotels, factory workers o di kaya ay domestic helpers.
Ang ating bansa ang nagdurusa dahil nauuwi lang sa wala ang kaalaman at kakayahan ng ating mga guro na kadalasan ay nagpapaalila sa ibang bansa. Ito ang tinatawag na 'brain drain'. Mayroon na ngang kakulangan ng guro dito sa atin ay nababawasan pa. Sa isang banda, napakaswerte naman ng mga banyagang kumukuha sa mga gurong Pilipino dahil talaga namang edukado ang nagiging mga empleyado nila.
Dapat nang pagtuunan ng seryosong pansin ang mga pangangailangan ng ating mga guro bago pa mahuli ang lahat. Huwag na nating hintayin na isa-isa silang mawala sa ating bansa at mawalan ng gana sa kanilang pagtuturo. Taun-taon na lang ay humihingi sila ng karagdagang sweldo at benepisyo.
Ang inyong lingkod ay nakapaghain na ng iba't ibang panukala sa Senado na magpapataas ng antas ng pamumuhay ng mga guro sa pamamagitan ng dagdag na sweldo at iba pang benepisyo. Malapit sa aking puso ang mga guro dahil ang aking ina ay isa ring guro. Ito ang dahilan kaya alam ko ang hirap at sakripisyo ng pagiging isang guro.
Sa aking Senate Bill 535, aking inirerekomenda ang pagtaas sa salary grade ng lahat ng public school teachers sa elementarya at high school, mula Grade 10 ay gawing Grade 17 at pagkalooban sila ng hazard pay, clothing at subsistence allowance kahit saang lugar sila naka-assign at kahit gaano katagal pa lang sila sa serbisyo.
Isa pang tingin kong makakatulong ng husto sa mga guro ay ang pag-exempt ng kanilang kita at benepisyo mula sa pagbabayad ng buwis. Ito ay nakasaad sa aking Senate Bill 571.
At dahil sa alam naman natin na hindi sapat ang benepisyong naibibigay ng Government Service Insurance System o GSIS sa mga public school teachers, inihain ko sa Senate Bill 550 na dagdagan sila ng insurance benefits tulad ng death benefits na hanggang P200,000; burial expenses na hanggang P50,000 at reimbursement ng medical expenses na hindi lalagpas sa P100,000.
Dahil sa maliit na sweldo ng mga guro, marami sa kanila ay nahihirapang magpaaral sa kanilang mga anak. Hindi ba't nakakalungkot na ang mga gurong matiyagang nagtuturo sa kanilang mga estudyante o sa ating mga anak ay hindi mapag-aral ang kanilang sariling anak?
Kaya naman sa aking Senate Bill 537, isinusulong ko na ang anak ng mga guro at iba pang empleyado sa publiko o pribadong eskwelahan o institusyon ng edukasyon ay ilibre na sa matrikula. Samakatuwid, kung ang ama at ina ng isang bata ay nagtatrabaho sa isang eskwelahan o unibersidad, ang batang ito ay makakapag-aral na ng libre sa naturang eskwelahan o unibersidad.
Iminungkahi ko rin ang ilang pagbabago sa tinatawag na 'Magna Carta for Public School Teachers' o ang Republic Act (RA) 4670.
Ilan sa mga ito ay ang tungkol sa 'special hardship allowance' na ipinagkakaloob sa mga guro na naa-assign sa mga delikado o peligrosong lugar; pagkakaloob ng 'study leave' at 'longevity pay'; at ang pagpapaaral ng libre sa mga anak ng mga guro sa mga state universities and colleges o SUCs.
Hindi mapapantayan ng anumang pera ang importanteng papel ng mga guro sa bawat tao at pati na rin sa bansa. Sila ang humuhubog sa kaisipan at katauhan ng ating mga anak o susunod na henerasyon. Ang mga batang ito ang magiging mga lider ng ating bansa; ang magpapatakbo ng iba't ibang negosyo; ang mga susunod na mga guro at kung anu-ano pa. Hindi ba't napakahalaga ng papel na kanilang ginagampanan? Kaya karapat-dapat lamang na pag-ukulan sila ng sapat na atensyon at malasakit.
Naalala ko pa, ngayong Hunyo 19 nga pala ay kaarawan ni Jose Rizal, ang ating pambansang bayani. Matatandaan na si Rizal mismo ay naging isang guro. Maraming kabataan noong kanyang panahon ang kanyang buong tiyagang tinuruan sa loob ng kanyang tahanan o kaya ay sa ilalim ng puno sa kaniyang bakuran.
Sa mga aklat na kanyang sinulat o isinulat tungkol sa kanya, ipinahayag din ni Rizal ang kahalagahan ng edukasyon at ang importanteng papel ng mga guro sa kinabukasan ng bansa. Ako, katulad ni Rizal, ay nagbibigay pugay sa lahat ng mga guro.
|
Dagdag na pasanin sa guro
|
|
Susan Fernandez
|
Noong Nobyembre, may isang ulat ukol sa dagdag na tungkuling pinapataw sa mga guro ng Department of Education (DepEd). Bukod sa pagtuturo, naatasan ang mga guro na bantayan din ang kalusugan ng kanilang mga estudyante. Ang bagong kautusan ay dulot ng kinakapos na bilang ng mga doktor at ibang healthcare workers at pati pagsara ng mga ospital.
Natuklasan ng DepEd na mataas ang porsyento ng mag-aaral sa public schools na di sapat ang nutrisyong nakukuha ng katawan. Kay rami ring kulang na kulang sa mahahalagang bitamina. Ito’y higit na malala sa mahihirap na lugar sa probinsya at sa lungsod.
Ayon sa Health and Nutrition Center ng DepEd, malaking tulong kung magmamasid ang mga guro sa kalagayan ng kalusugan ng mga mag-aaral. Mas malaki ang posibilidad na matukoy nang maaga ang mga sintomas ng sakit at maiwasan ang paglala. Ang kontribusyong ito ng mga guro ay magpapagaan sa pasanin ng health workers.
Ang mapait na katotohanan ay nalalagasan na ang pwersa ng mga nars at doktor na nakadestino sa mga eskwela.
Pati sila’y naghahanp ng mas malaking pagkakakitaan sa abroad. Kaya naisip itong bagong kautusan.
Nasa 19 milyon ang bilang ng mga estudyante sa public school. Batay sa pinakahuling talaan, mahigit sa kalahati ng mga nasa edad 12 pababa ay kulang sa iodine. Isa naman sa bawat 3 ay kapos sa iron.
Matindi rin ang kondisyon ng mga ngipin nila. Mahigit 80% ay may nabubulok na ngipin at malimit itong sanhi ng pagliban sa klase.
Natukoy rin ang problema sa paggamit ng bawal na droga. Halos 10% sa high school at kolehiyo ay umaming gumamit sila nito. Nais lang daw nila mag-eksperimento. Dahil dito, ang mga guro ay inaasahan ding bantayan ang mga hudyat ng pag-abuso sa bawal na droga at alcohol. Kabilang dito ang pamumula ng mata, nabablankong isip at pagsalita ng utal.
Ang mabilis na pagpayat ay isang senyales. Maiging maobserbahan din ang kakaibang pagkilos sa eskwela.
Tulad ng negatibong pagtugon sa mga gawain pampaaralan. Syempre pa, kapag madalas lumiban ang estudyante at pababa nang pababa ang marka, maaaring nasa impluwensya rin ng bawal na droga.
Matinding hamon ang lahat ng ito sa mga guro. Sa mahabang panahon, mabigat na nga ang pasanin nila sa sari-saring araling pinatuturo sa kanila. Di ba karaniwang nagtuturo ang isang guro sa elementarya ng agham, Ingles, math at kasaysayan kahit di siya dalubhasa sa lahat? At ngayon ay mabilisan silang tuturuang maging nars at health care worker. Kay raming detalyeng kailangang pag-aralan.
Batid din nating naapektuhan na ang pokus ng guro sa mga araling tinuturo niya. Ito’y dahil sa pinansyal na krisis. Sa sobrang liit ng kanilang sweldo, kailangang mag-sideline tulad ng pagbenta ng kung anu-ano sa mismong paaralan. At huwag nating kalimutan ang iba pang tungkulin ng guro tuwing eleksyon.
Sa bagong kautusan, mapipilitan din ang mga guro na maging sikolohista. Maaari kasing sa larangan ng emosyon at pakikitungo sa tao ang ugat ng pag-abuso ng droga at alak. Kaya bibigyan ng pagsasanay ang mga guro sa pagmasid ng depresyon, tendensya na magpatiwkal at ibang lihis o tila kakaibang kilos. Isasanay rin sila sa mabisang pagturo ng pag-alaga sa kalusugan.
Ang kwestiyon dito ay kaya pa ba ng guro ang lahat ng ito? May pondo ba para sa mga dagdag na pagsasanay?
At higit sa lahat, makakatikim ba ng dagdag na sahod ang mga guro para sa dagdag na pasaning kakargahin nila?