Ma'am WAG po!!
  Mga Dokyumentaryo
 

Edukasyon ang sandata para sa kawal-guro

"Edukasyong ipinagkait, edukasyong ipinagkaloob"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes,
11 p.m.

Bihasa ang mga sundalo na makidigma sa anumang banta sa kasarinlan at seguridad ng bansa. Bilang mga kawal, handa silang ipagtanggol ang kapayapaang tinatamasa ng bayan. Ito ang una nilang sinumpaan.

Pero 'di karaniwan ang makita ang mga sundalo na mayroong hawak na libro, nasa loob ng silid-aralan at nagtuturo ng leksyon sa mga estudyante. Ngunit hindi rin karaniwan ang mga paaralang ito. Ito ang mga paaralang matatagpuan sa mga kabundukan ng Hilagang Luzon, mga paaralan na mayroong estudyanteng pinagkaitan ng panahon pagdating sa larangan ng edukasyon.

Kakaiba ang paaralang makikita sa Barangay Santiago sa Quirino, Isabela. Sa paaralang ito, isang kawal ang nagsisilbing guro. Siya si Technical Sgt. Alfredo Agaloos.

Ang kanya namang mga mag-aaral ay mga matatandang residente ng lugar na ngayon pa lang natututong magbasa at magsulat.

Sampung taon na bilang soldier-teacher o kawal-guro si Agaloos. Una sa kanyang bokasyon ang pagiging kawal, pangalawa ang magpunla ng karunungan sa mga indibidwal na matagal na panahon nang pinagkaitan nito.

Isa sa mga estudyante ni Agaloos si Leonardo Capunang. Ayon kay Capunang, napag-aral niya ang kanyang mga anak ngunit ngayon lang siya nakatuntong sa paaralan.

Kumbaga, para siyang bata na ngayon pa lang natututong ihakbang ang mga paa, aniya.


Sagot ang
ALPS
            Ang programang Army Literacy Patrol (ALPS) ng Hukbong Katihan (P.A.) ay pinasimulan ng 5th Infantry Division ng P.A. na nakabase sa Gamu, Isabela.

Mahigit nang 25 taon ang programang ito sa rehiyon.

Kadalasan, hinihiram lang ng ALPS ang espasyo mula sa mga regular na paaralan dahil tuwing Sabado at Linggo lang ang klase na tumatagal ng tatlong oras.

Tuwing Sabado at Linggo lang ang klase kaya madali para sa mga estudyante ang matawag mula sa kanilang mga regular na gawain sa lalong-lalo na sa mga taniman at bukirin.

Isa na rito si Pedro Gauran. Nakaabot lang ng Grade 1 si Gauran. Kinailangan niyang lisanin ang paaralan upang magtrabaho sa bukid.

Tatlumpu't walong taong gulang na siya pero ngayon lang natutong bumasa at sumulat. Nakatapos siya sa programa dalawang taon na ang nakakaraan.

Ngayon niya napagtanto na mahalaga talaga ang mayroong pinag-aralan.

"Mahirap talaga ang walang pinag-aralan. Kaya noong una, dito kami natali sa pagbubukid," aniya.

"Nagpapasalamat ako sa ALPS. Marunong na akong magbasa at magsulat. Salamat sa Army," dagdag pa ni Gauran.

Si Juanita Domingo ay isa rin sa mga estudyanteng pinaghahati ang oras sa bukid at paaralan para matutong magbasa at magsulat. Ngayon, tinatamasa niya ang kaalaman.

"Marunong na akong bumasa at sumulat, " natutuwan niyang sabi.

Sa kanyang bahay, ipinagmalaki ni Domingo sa The CORRESPONDENTS ang sertipiko niya sa ALPS. Ito ngayon ang pinaiingatan niyang dokumento at patunay sa kaalamang nakamit sa paaralan.


Laban sa kamangmangan


            Sa pusod ng rehiyon at kabundukan ng Cordillera, lalawigan ng Kalinga, bayan ng Tabuk, higit na malubhang kondisyon sa kamangmangan ang nadatnan ng The CORRESPONDENTS. Higit pang matatanda kaysa estudyante sa Quirino ang matatagpuan dito.

Sila ay mga kasapi ng katutubong Kalinga sa Sitio Ileb, Barangay Nambaran sa Tabuk.

Unang bahagi pa lang ng kanilang programa sa ALPS kaya hindi pa gaanong marunong magbasa at magsulat ang mga mag-aaral.

Pero sa kabila nito, pursigido si Perla Gaybon, isa sa mga sibilyan na miembro ng ALPS, na turuan ang kanyang mga kababayan.

Sa bayan naman ng Pasil, Kalinga, wala na halos silid-aralan na magamit ang ALPS kaya sa ilalim na lang ng puno idinadaos ang klase.

Tatlong taon pa lang bilang kawal-guro si Sgt. Nestor Domingo. Para sa kanya, ang edukasyon ay isang uri ng paraan upang labanan ang patuloy na pakikisagupa ng mga rebelde sa kanayunan. Aniya, higit na dapat palaganapin ang programang ito sa Cordillera kung saan maigting ang kampanya ng mga rebelde laban sa pamahalaan.

Liblib ang mga barangay sa Pasil kaya dito na rin nakikipamuhay si Domingo. Dahilan niya, ito ang paraan upang magkapalagayang-loob sila ng kanyang mga estudyante.

Ayon sa Kagawaran ng Edukasyon, ang Cordillera na kinalalagyan ng Kalinga ang isa sa mayroong pinakamataas na antas ng kamangmangan sa bansa.

Batay sa impormasyon sa Bureau of Non-Formal Education, mula 1989-2000, nananatiling mataas ang antas ng kamangmangan sa Cordillera kumpara sa ibang rehiyon.

Ito ngayon ang digmaang kinakaharap ng mga kawal-guro, ang magwagi sa laban kontra kamangmangan. Hindi man baril ang katapat ng kalaban, higit itong mahirap sagupain kaysa karaniwang kaaway.

Sa harap ng pagsubok na ito, handa ang mga kawal-guro ng ALPS na makihamok sa kamangmangan na nagsisilbing hadlang sa kaunlaran ng mga Pilipino sa malalayong nayon at barangay.

 

Titser sa Amerika: Pagsubok sa edukasyong Pilipino

"Titser sa Amerika"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes,
11 p.m.

Istoryang luma na ang mga Pilipino na nangingibang-bansa para maghanap ng trabaho. Kadalasan, nakakakita sila ng hanapbuhay bilang nurse o domestic helper.

Pero ngayon, isang grupo ng mga Pilipino ang nagpupunta sa Estados Unidos upang maging guro.

Siya si Leticia Quinto, isa sa libo-libong guro sa pampublikong paaralan na lumisan ng Pilipinas para magturo sa Amerika.

Tulad ng mga nauna sa kanya, nakipagsapalaran si Quinto sa pag-asang sa Amerika niya makakamit ang suwerte sa buhay.

Beterana na si Quinto sa larangan ng edukasyon sa kanyang 25 taon sa pagtuturo sa Pilipinas. Ngunit ngayon, nagsisimula muli siya sa nakagisnang gawain.

Sa Pilipinas, grade school ang tinuruan ni Quinto pero pagsubok sa kanya ngayon ang makapagturo ng mga estudyante sa pre-school.

Ito ay dahil kinilala ng mga Amerikano ang 25 taon niyang karanasan sa pagtuturo sa Pilipinas.

Sa trabaho niyang ito, sumusuweldo si Quinto ng $5,000 o halos P30,000 kada buwan. Hindi pa kasama sa halagang ito ang over time.

Kaya naman, nabibilang siya sa pinakamataas na salary bracket sa mga guro sa Texas.

Aniya, "Masaya naman ako dahil sa loob ng isang taon, nagkaroon ako ng bahay, sasakyan, narito na ang pamilya ko at mayroon akong magandang hanapbuhay."

Lahat ng ito, nakamit ni Quinto sa loob ng isang taon niyang pagturuo.

Ito ang katotohanan dahil sa tagal ng pagtuturo niya sa Pilipinas, hindi naranasan ni Quinto ang magkaroon ng sariling bahay. Ngunit ngayon, mayroon na siyang bahay. Ang maganda dito, aniya, babayaran ang bahay sa loob ng 30 taon, o $1,000 bawat buwan.

Kung dati, plastic lang ang kanyang aparador, ngayon, mas malaki pa ang walk-in closet ng bahay sa dati niyang kwarto sa Pilipinas.

Kamakailan din, nakabili siya ng kotse, ang kauna-unahang sasakyan sa buhay ng guro.

Bukod dito, H-1 ang visa na ibinigay sa kanya ng embahada ng Amerika. Kaya ang resulta, tangay niya ang pamilya papunta sa Amerika.

Pero bilang mga dependent, hindi maaaring makapagtrabaho ang asawa ni Quinto


Bahay at lupa...sa Texas
            Sa kabila ng materyal na biyaya, higit na mahalaga para kay Quinto ang makilala bilang mahusay na guro.

Ito ang dahilan kung bakit modelo ang pamilya Quinto para sa mga gurong Pilipino na napadpad sa Texas: mayroong bahay, kotse at higit sa lahat, buo ang pamilya.

Tulad ng mga eksena sa Pilipinas, karaniwan ang salo-salo sa bahay ng mga Quinto. Ang mga putahe ng pagkain, magkahalong Amerikano at Pilipino.

Ang mga kumakain, pamilya at kaibigan. Isa na rito si Rommel Romero, kasamahang guro ni Quinto.

Tulad sa Pilipinas, nagtutulungan ang mga Pilipino dito.

Kadadating pa lang ni Romero sa Amerika at tatlo pa lang siya nang makapanayam ng The CORRESPONDENTS.

Nakikitira siya sa bahay ni Quinto at nag-aambag ng $3,000 kada buwan para sa renta.

Edad 26 pa lang si Romero ngunit sinubukan niya at nagtagumpay na makapunta sa Amerika.

Pero may ibang guro, dito na nakatagpo ng pag-ibig tulad ni Divina Browne na nakilala ang asawang si Allan, isa ring guro.

Sa kanilang kasal, tanging pamilya lang ni Allan ang nakadalo. Lubhang mahal ang pasahe sa eroplano kaya ipinagpaliban na lang ni Divina ang pagpapakilala sa mga magulang sa kanyang asawa.

Karaniwan ang ganitong istorya sa Amerika ngayon: mga paaralang kinukulang ng guro. Halimbawa nito ang William Burges High School sa El Paso, Texas.

Pagpasok ng 2002, kinulang ang paaralang ito ng guro sa Math at Science. Dito napadpad si Elsa David nito lang Agosto 2002 bilang guro sa Science.

Bukod sa husay, mahalaga ang lakas ng loob at tapang upang 'di masindak ng mga estudyante, ani David. Para sa baguhang tulad niya, katatagan ng loob ang naging armas ni David sa panibago niyang pakikibaka.

Anang guro, kaibang-kaiba ang karanasang ito sa pinagmulan niyang paaralan sa Santa Barbara, Pangasinan. Sa pinagmulan niyang paaralan, si David ang tinaguriang tagapagsanay ng mga guro sa Science and Technology sa loob ng 16 na taon.

Masakit para sa kanya na iwanan ang pamilya pero umaasa siyang pagkatapos ng ilang buwan, magkakasama sila muli sa Amerika.

Masakit din para sa paaralang iniwan ni David, ang Daniel Maramba School sa Sta. Barbara ang mawalan ng isang mahusay na guro.

Ngayon, mga estudyanteng Amerikano ang makikinabang sa husay ni David sa Science.

Sana sa 'Pinas din

Taon-taon, 200,000 guro sa Math, Science at Bilingual Education ang kinakailangan ng Amerika. Pinakamalaki sa mga lugar na nangangailangan ang California at Texas.

Kaya naman, ang mga guro na mayroong sapat na karanasan sa pagtuturo, masipag, mahusay sa Math, Science at English at malaki ang tiwala sa sarili ang kanilang kailangan.

Noong taong 2000, 45,000 guro ang kinailangan ng Texas. Pangunahing pinagkunan nito ay ang Pilipinas.

Sa kasalukuyan, tinatayang higit sa 49,000 pang guro ang kailangan ng estudyanteng Pilipino. Ito ay bukod sa 15,000 guro na nakuha ng pamahalaan sa taong ito.

Ang problema, mas malakas ang hatak ng pagtuturo sa Amerika, ayon sa Alliance of Concerned Teachers.

Sa Pilipinas, binubura na lang sa listahan ang posisyon ng isang guro kapag siya ay nagretiro. Sa madaling salita, ito ay ginagawa dahil sa kakulangan ng pondo sa suweldo, kagamitan at pagsasanay.

Pero hindi lang suweldo ang kagandahan ng pagtuturo sa Amerika. Hindi kailangang bawasan ng buwis ang suweldo ng gurong Pilipino dito sa loob ng dalawang taon.

Benepisyo ito na napapakinabangan ng mga gurong Pilipino dahil sa Laurel-Langley Agreement, isang kasunduan sa pagitan ng mga pamahalaang Amerika at Pilipinas noong dekada '40.

Ayon kay Flor Tolentino, recruiter ng mga gurong Pilipino, pinakikinabangan ng mga Pilipino ngayon ang ginawang pakinabang ng mga Amerikano sa Pilipinas noong mga nakakaraang dekada: ang 'di pagbabayad ng buwis.

Hindi na mahihinto ang bugso ng pag-alis ng mga guro sa Pilipinas. Sa harap ng bantang ito, ikinakampanya naman ng isang guro sa Lungsod Quezon na huwag nang umalis ang kanyang mga kasamahan.

Siya si Saul San Juan, mula sa Pag-asa Elementary School at pangulo ng isang grupo ng mga guro sa lungsod.

Umapela si San Juan sa mga kapwa niya guro at sinabing 'di na kailangang mangibang-bayan.

Una, dahil ipinaglalaban nila ang pagkakaroon ng cost of living allowance (COLA) at pangalawa, ang P3,000 across-the-board wage increase.

Sa kabila nito, aminado si San Juan na mahirap pigilan ang mga guro na nais magkaroon ng masaganang buhay.

Aniya, nais ng mga umaalis na guro na maibahagi ang kanilang talino sa mga estudyanteng Pilipino ngunit nariyang ang katotohanan: maliit ang suweldo sa Pilipinas kaya napipilitan ang mga guro na magtungo sa ibayong dagat.

'Di tulad ni Quinto na mayroon nang kotse matapos magturo sa Amerika ng isang taon, si San Juan ay bisikleta pa rin ang sasakyan. Nakatira pa rin siya sa lugar ng mga iskwater sa kasalukuyan.

Tangi niyang hiling, disenteng pabahay para sa mga pampublikong guro.

Sa ngayon, higit na marami ang benepisyo ng pulis at militar kaysa guro sa pampublikong paaralan. Katumbas ng suweldo ng Teacher 1 ang Police Officer 1 sa Pambansang Pulisya.

Ang ikinakasama lang nila ng loob, makailang ulit nang tumaas ang buwanang suweldo ng pulisya at militar, napako na ang sa mga guro.

Maganda kung sa maganda ang opurtunidad ang naghihintay para sa mga gurong Pilipino sa Amerika. Pero dekada na ang lumipas, hindi pa rin napupunan ng Pilipinas ang sarili nitong pangangailangan sa de-kalidad na mga guro.

Ang mga umalis na at paalis pa lang, mahirap nang punan ang kanilang iniwan.

Pahayag ni Quinto, tulad ng mga kasamahan niyang gurong Pilipino sa Texas, mahal nila ang Pilipinas, ito ang mahalaga. Pero dahil sa pangangailangan sa sapat na pasahod, kinailangan nilang lumisan.

Nakatuturang isipin na matapos ang mahigit 100 taon mula nang dumating ang Thomasites, Pilipino ang siyang namamayagpag bilang tagahubog ng kinabukasan ng Amerika.

Pero ang katotohanan nito, estudyanteng Pilipino naman ang napagkakaitan ng tagumpay na ito sa edukasyon.

 

Biyahe ni Ma'am: Ang 'brain drain' ng gurong Pinoy

"Wanted: Titser sa Amerika"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes,
11 p.m

HOUSTON, Texas - Sa mga nakaraang taon, karaniwan nang tanawin sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport ang ganito: mga inang mawawalay sa kanilang mga anak upang maghanapbuhay sa ibang bansa.

Ngunit sa pagkakataong ito, 'di lang sariling pamilya ng mga ina ng tahanan na ito ang kanilang iiwan kundi ang buong sambayanan.

Ang mga babaeng ito ay bumubuo sa isang malaking grupo ng mga guro sa pampublikong paaralan. Paalis na sila papuntang Estados Unidos.

Ilan lang sila sa daan-daang guro na umaalis taon-taon.

Isa sa kanila si Delia Morera na 16 na taon nang guro sa Toro Hills Elementary School sa Quezon City. Grade three at five ang kanyang tinuturuan at kilalang mahusay sa pagtuturo ng Math at English.

Pag-alis niya ng Toro Hills, pawang Amerikanong estudyante na ang tuturuan niyang magbilang at magbasa.

Ito ang unang biyahe ni Morera sa labas ng bansa. Aniya, ni sa panaginip ay hindi niya akalaing makakatapak siya sa Amerika.

Hindi biro ang isusugal ni Morera dahil isang taon din niyang iiwan ang asawa at mga anak.

Sa Toro Hills, P10,500 lang ang suweldo ni Morera kada buwan.

Pero sa bago niyang paaralan sa Texas, susuweldo siya ng $4,000 o P200,000 sa kasalukuyang palitan ng piso sa dolyar.

Binubuo ang grupong nina Morera ng 80 guro. Ang kanilang destinasyon: Texas, U.S.A.

Iba't iba ang kanilang pinagmulan ngunit iisa ang pangangailangan. Ang ilan sa kanila ay nagsabing babalik sa Pilipinas ngunit ang karamihan, hindi na.

Malaking pagsubok para kay Morera ang makilala bilang mahusay na guro sa Amerika.

Mula Toro Hills, sa Patterson Elementary School sa Houston, Texas humantong si Morera. Sa kanyang unang araw, magkahalong tuwa at kaba ang rumehistro sa mukha niya.

Pawang papuri naman ang binanggit ng mga kasamahan ni Morera sa bago niyang trabaho. Malayo ito sa pinagmulan niyang paaralan sa Pilipinas ngunit unti-unti, masasanay din siya.


Mula 'apple' patungong atis


            Nangangailangan ang
Texas ng mahigit 100,000 guro sa ngayon. Kaya naman sa buong Amerika, dito ang bagsakan ng pinakamaraming bilang ng gurong Pilipino.

Si Flor Tolentino ang dahilan kung bakit napunta sa Texas si Morera at ang mahigit 1,000 gurong Pilipino sa Texas sa kasalukuyan.

Siya ang may-ari ng Multicultural Educational Consultants, isang recruitment at placement agency na nakabase sa Houston.

Noong una, ipinagbawal ng pamahalaan ang mga dayuhan guro sa Amerika. Bunga nito, naghanap ng paraan si Tolentino upang mabago ang patakaran.

Pinetisyon niya ito sa lehislatura at noong 1992, ipinadala ng kanyang kompanya ang unang grupo ng mga gurong Pilipino sa Amerika.

Sa panig naman ng mga Amerikano, ngayon nila kailangan ang mga gurong Pilipino. Kung pagpasok ng 1900, mga guro lulanng <i>S.S. Thomas</i>, tinaguriang Thomasites, ang dumating sa Pilipinas, sa ika-21-siglo, Filipinos na ang dumadating sa U.S.

Unti-unti nang nauubos ang mga kabataang Amerikano na nais maging guro. Para sa kanila, hindi na kailangang magpakahirap magturo sa paaralan kung mayroon namang ibang trabaho na mas malaki ang kita at hindi pa nakakapagod.

Dito papasok ang sipag at tiyaga ng mga Pilipino.

Ngunit mahigpit ang proseso at magastos din. Sa paglakad pa lang ng mga dokumento, gagastos ng $1,200 ang isang aplikante. Kabilang dito ang pagsusulit, credentialling, transcript of records at bayad sa immigration. Pero wala pa dito ang bahaging napupunta sa kompanya ni Tolentino.

Sa sandaling makapasa ang aplikante, hihingi ng $5,000 security bond si Tolentino. Ito ang seguro ni Tolentino laban sa mga aplikanteng bigla na lang nawawala pagtuntong sa Amerika.


***

Ito ang katotohanan. Amerika na ang nakikinamabang sa mga guro na nahasa sa mga edukasyong Pilipino. Sa madaling salita, ito ang panibagong bugso ng "brain drain" sa Pilipinas.

Sagot naman ni Tolentino, higit nang mabuti ang maging guro sa Amerika kaysa maging alipin at mabiktima ng mga dayuhang kriminal.

Hindi naman pagtalikod sa lupang tinubuan ang pagtungo sa Amerika, anang mga guro doon. Ang masakit lang, kinakailangan pang mangibang-bayan ng mga guro dahil sa kawalan ng oportunidad na umasenso sa sariling bansa.

Ito ang bansang dating tinuruan ng mga Thomasites ng "A" for apple at "B" for basketball. Ngunit ngayon, aabot sa 2 milyon ang kailangan nilang guro. Ang pangunahin nilang pagkukunan nito: Pilipinas.

Totoong baligtad na ang panahon. Amerikano ang nagturo sa mga Pilipino ng modernong edukasyon na sinusunod hanggang sa kasalukuyan, pagbabasa at pagsusulat.

Pero ngayon, sila na ang tinuturuan ng mga Pilipino.

Para kay Morera, higit pa sa sarili niyang reputasyon ang nakasugal dito, kundi ang pagtatayo ng bandila ng gurong Pilipino.

Totoong maituturing na karangalan na makilala ang Pilipinas na pinagmumulan ng mahuhusay na guro.

Taon-taon, maraming tulad ni Morera ang nagdedesisyong umalis ng basa. Sila ang mga guro na matapos magsakripisyo ng mahigit 10 taon sa pagtuturo ay napagod na at naghanap ng kaginhawahan.

 

Home schooling: Teacher ko, nanay ko   (June 04,2002)

Papunta sa eskuwela ang mga batang sina Hannah at Alyssa ngunit sa halip na lumabas sila ng kanilang bahay, ang hapag-kainan ang kanilang desk, ang kusina, kanilang silid-aralan.

Sa halip na si ma'am ang kaharap, ang kanilang ina ang magsisilbing guro sa leksyon mula nang mapagdesisyunan ni Irma Chua na ipatupad ang programang home schooling sa kanyang mga anak.

Para kay Chua, hindi simple ang kanyang trabaho. Ang totoo, magkakaklase ang kanyang mga anak ngunit iba-iba naman ang antas ng pagtuturo sa mga ito.

Sina Hannah at Alyssa, nasa ika-anim na baitang, si Damaris, sa ikatlo, si Jemimaah ay sa ika-unang baitang at preschoolers naman ang dalawa pang paslit na lalaki.

Dahil dito, lahat ng asignatura ay kailangang kabisado ni Chua.

Aniya, "May sarili kaming schedule. Halimbawa, Monday-Wednesday-Friday, ibang subject, Tuesday-Thursday, iba rin."

Karaniwang araw na para kay Chua ang ganito: pinagsasabay-sabay niya ang pagluluto, pag-aalaga sa bunso at pagtuturo ng mga leksyon sa mga bata.

Sa home schooling, pagbabasa ng libro ang kayamanan, ani Chua. Hindi niya pinapayagang manood ng telebisyon at sine ang mga bata. Hindi rin ipinamulat sa mga ito ang pagkahilig sa pamamasyal sa mga mall.

Kaya ang libangan ng pamilya, educational games.

Dagdag pa ni Chua, malaki rin ang natitipid niya sa matrikula lalo pa at ang asawa lang niya ang tanging naghahanapbuhay.

Pagdating sa mga aklat at workbooks, isang kamag-anak ang nagpapadala nito mula lisensyadong home schooling network sa Estados Unidos.

Sa kabila ng pagtitipid sa gastos at oras, walang pamantayang sinusunod si Chua sa pagtuturo sa kanyang mga anak ayon sa itinakda ng pamahalaan at Kagawaran ng Edukasyon (DepEd).

 

'Titser ko, nanay ko'

Sa kaso ni Nanette Salvador, home schooling rin ang kanilang pinili para sa mga anak. Tulad kay Chua, nagmula sa Amerika ang mga materyales na kanyang ginagamit sa pagtuturo.

Taon-taon, gumagastos siya ng P20,000 para sa mga materyales kasama ang mga workbook at teacher's manual.

Ayon kay Salvador, "Hindi pinag-uusapan ang excitement ng bata sa pagbibihis ng uniporme at aktuwal na pagpasok sa paaralan dito."

"Kahit saan, pwede namang turuan ng leksyon ang bata, nakasalalay lang naman ito sa ugali ng estudyante," paliwanag niya.

Giit pa ni Salvador, dahil sa one-on-one approach ng home schooling, natututo na ang mga bata, nagkakalapit pa ang mag-ina.

Ngunit dahil sa Amerika nagmula ang mga materyales, hindi na rin dapat ipagtaka kung higit pang maraming alam ang bata sa kasaysayan ng mga banyaga kaysa Pilipinas.

Sa home schooling rin, kung ang ina ang guro, ang ama naman ang punong guro o principal.

Ani Lorjun, asawa ni Nanette, nagagabayan na ang anak, moderno pa ang natututunan ng mga ito sa home schooling.

Para naman kay Chelo Gemina, maraming positibong dulot ang home schooling para sa kanyang mga anak na sina Michael at Gail.

Kapwa nasa grade 7 ang dalawa at sa antas na ito, kaya na nilang bigkasin ang tula ni William Shakespeare kumpara sa ordinaryong estudyante.

Si Joseph naman, nasa ikatlong baitang pa lang ngunit unti-unti na niyang natututunan ang heograpiya ng mundo.

Dahil makabago ang paraan ng pagtuturo, bukod sa estudyante, natututuo rin ng leksyon ang guro o magulang.

"Madali ang mag-home school dahil mayroon namang teacher's manual at student test. Kailangan lang talaga, pati kami ay mag-aaral," ayon kay Gemina.

Sa tulong ng mga pre-recorded tape, mabilis ring matuto ang mga pre-schooler tulad ni Nathan, apat na taong gulang na anak ni Gemina.

Sa bawat antas, mayroong sariling tape tulad ng curriculum ni Nathan. Sa halip na silid-aralan, sa kwarto ni Gemina niya tinuturuan ang mga anak.

Totoong sa home schooling, walang pagkilala sa mga natatanging mag-aaral, araw ng pagtatapos o junior-senior prom. Ngunit hindi ibig nito na wala nang ibang aktibidad ang mga mag-aaral bukod sa kanilang leksyon.

Ang grupo ng mga "estudyante" nina Salvador at Gemina ay kabilang sa mino-monitor ng Philippine Christian School of Tomorrow.

Ngunit aminado si Gemina, wala pa itong permiso mula sa DepEd.

Sa kasalukuyan, iilang paaralan lang sa bansa ang may permiso ng DepEd para sa programang home schooling. Kabilang rito ang Angelicum sa Lungsod Quezon at Master's Academy sa Bicutan, Taguig.

Higit na mura kumpara sa pormal na paaralan ang sistema ng home schooling ngunit may kaakibat rin itong responsibilidad sa panig ng mga magulang.

Dahil sa bandang huli, nakasalalay ang kinabukasan ng mga bata sa kaalaman at dedikasyon ng mga magulang na tumatayong "guro" nila sa araw-araw, sa paaralan sa loob ng kanilang tahanan.

http://www.abs-cbnnews.com/images/news/microsites/TheCorrespondents/archive.html


 
   
 
This website was created for free with Own-Free-Website.com. Would you also like to have your own website?
Sign up for free